Joey Salgado
Oh, but ain’t that America, for you and me
Ain’t that America, something to see, baby
Ain’t that America, home of the free
Little pink houses for you and me
⁃ John Mellencamp, “Pink Houses”
Habang isinusulat ko ito, hindi pa nahihimasmasan ang American media at mga taga-suporta ni Democratic candidate Kamala Harris sa naging resulta ng eleksyon sa kanilang bansa.
Nakabalik sa White House ang dating presidente na si Donald Trump. At hindi lang yon. Nanalo sya sa popular vote at electoral vote. Nalusaw ang inaasahang mga boto mula sa tinatawag na Democratic wall at mga sektor na dati nang kiling sa Democrats. Lumapad din ang hanay ng Republicans. Sila ngayon ang mayorya sa US Senate.
Bakit nangyari ito? Maraming dahilan, ayon sa mga eksperto. Walang patid din ang sisihan. Pero simple lang ang mensahe ni Senator Bernie Sanders, ang kinikilalang figurehead ng American left. Aniya, natalo si Harris dahil hindi binigyang prayoridad ng kanyang kampanya ang hinaing ng American working class.
Maligalig ang Amerika sa usapin ng ekonomiya, partikular ang mataas na presyo ng mga bilihin. Giit ng Biden administration, maganda ang ekonomiya at dapat tingnan ng mga botante ang mga numero. Pero sabi nga ng mga pilosopo na tambay sa kanto, sige subukan mong kainin ang mga numero.
Totoo na naging wild si Trump sa mga rally nya pero sa ground at TV ads, diniinan ng kanyang kampanya ang ekonomiya. Isinisi ito kay Biden at Harris, at sinabing si Trump lang ang magbabangon ng ekonomiya at ng kalagayan ng working class. Alam naman ng mga Amerikano na hindi nya nagawa ito noong sya ang presidente. Kaya nga sya tinalo ni Joe Biden noong 2020. Malabo ring magawa nya ito ngayon dahil tropa nya sina Elon Musk, Jeff Bezos, at mga bilyonaryong negosyante. Pero natumbok nya ang pangunahing isyu ng working class. Hindi nila pinansin ang kanyang magaspang na ugali at ang kanyang palpak na pamamahala. Para sa kanila, si Trump ang magdadala ng pagbabago.
In short, it’s still the economy, stupid (Si James Carville ang nagsabi nyan noong 1992 sa labanang Clinton-Bush).
Sa “Pink Houses,” inilarawan ng singer na si John Mellencamp ang ilusyon ng American Dream para sa maraming Amerikano. Naging hit song ito noong 1983, sa administrasyon ni Ronald Reagan, isang Republican.
Madalas na inaangkin ng Republicans ang kantang ito dahil ang pinansin lang nila ay ang koro. Hindi nila naaarok ang tunay na mensahe, na isang kritisismo sa administrasyon ni Regan at American policies, gaya rin ng “Born in the USA” at “Johnny 99” ni Bruce Springsteen. Paalala rin ang kantang ito na Republican o Democrat man ang presidente ng Amerika, hindi nagbabago ang kalagayan ng working class.
BBM versus Leni ang peg
Naglaganap sa social media sa Amerika ang mga sumbat sa botanteng Amerikano. Mula ito sa political commentators at mga taga-suporta ni Harris. Bakit ibinoto si Trump samantalang nandyan naman si Harris? Parang BBM vs. Leni Robredo ang peg. Ipapahiram ba natin sa kanila ang terminong “bobotante” para tuluyan nang mayakap ng MAGA Republicans ang working class ng Amerika?
Kung inaral sana ng Democrats ang 2016 at 2022 elections sa Pilipinas, baka nakalusot si Harris. Hitik sa aral ang mga eleksyong ito kung paano isara ang pinto sa mga ordinaryong Pilipino na naghahanap ng pagbabago sa kanilang kalagayan, pagbabagong ipinagako ngunit hindi nagawa ng magkakasunod na administrasyon.
Naalala ko tuloy ang sinabi ni Vince Pozon, isang paham sa advertising at communications: don’t blame the customer if they didn’t buy your product.
Pero bakit nagdiriwang ang mga DDS?
Sanggang-dikit daw kasi si Trump at si dating presidente Rodrigo Duterte (kahit na minura ni tatay Digong ang Amerika at naging alipores ng China?). Masamang senyales daw ito para sa administrasyong Marcos at magandang senyales naman para kay Vice President Sara Duterte.
Mawalang galang na po, pero walang kagalang-galang kong ipapaalala na walang pakialam ang Amerika sa away pulitika natin.
Ang mahalaga sa Amerika ay ang interes ng Amerika. Sa ating rehiyon, prayoridad nila ang containment ng China. Hindi ito magbabago kahit si Trump ang nakaupo. Ang malamang na magbago ay ang terms and conditions. Huwag tayong umasa ng libre. Oobligahin malamang tayo na magbayad para sa umano’y proteksyon na ibibigay ng Amerika. It’s just another business deal, ‘ika nga.
At ang suporta kay Sara na kilalang maka-China tulad ng kanyang ama? Ano kayo, hilo?
This article also appears in Rappler
If you liked what you just read and want more of Our Brew, subscribe to get notified. Just enter your email below.
Related Posts
‘Huwag Mo Akong Iiwan.’ Why is Vice President Sara Duterte Madly Protective of Her Chief of Staff and Why Should We Care?
Nov 25, 2024
At the QuadComm Hearing, Duterte Tries to Kill Time
Nov 16, 2024
My Problem With Koko Pimentel’s Legal ‘acumen’
Nov 06, 2024