, October 12, 2024

0 results found in this keyword

Bonggang Rewind


  •   4 min reads
Bonggang Rewind

Nang marinig ko sa radyo ang “Pers Lab,” tungkol sa pakiramdam na natutunaw na ice cream kapag nakikita ang isang tsiks (sampalin nyo ako, mga kawemenan), at mga naglipanang tigyawat, huli na ako (O sabi nga ni Jerry Maguire ilang dekada matapos, "You had me at tigyawat sa ilong…”).

Ni Joey Salgado

1975

Kung hindi ako nagkakamali, second year high school ako no'n, may tigyawat sa ilong. Pati na sa pisngi. At may laging tinititigang kaiswela araw-araw kaya dumarami ang tigyawat (Mahal ang Clearasil, kaya nagpapasingaw na lang ako ng mukha sa kumukulong tubig, o kung hindi nakatingin si Nanay, sa kumukulong sinaing. Wala naman palang epekto ang lahat na yan).

Nang marinig ko sa radyo ang “Pers Lab,” tungkol sa pakiramdam na natutunaw na ice cream kapag nakikita ang isang tsiks (sampalin nyo ako, mga kawemenan), at mga naglipanang tigyawat, huli na agad ako (O sabi nga ni Jerry Maguire ilang dekada matapos, "You had me at tigyawat sa ilong...”).

Hotdog ang unang bandang narinig ko na gumamit ng lyrics na Tagalog. At Tagalog na simple, yung ginagamit namin sa kalye, sa tambayan, kapag nagkukulitan (Nang lumaon, nalaman ko na, kasama ng bandang Sampaguita, isa sila sa naunang gumamit ng swardspeak sa mga kantang “Bongga Ka Day” at “Annie Batungbakal”).

Akala ko no’n, high school din sila. Yun pala, beterano nang musikero sila Rene at Dennis Garcia, ang Glimmer Twins ng Manila Sound (Naks!). Yun ang tawag sa musika ng Hotdog - at ng Cinderella, Apo Hiking Society - bago tawagin itong OPM. Original Pilipino Music. An English term to describe a Filipino genre. Ayos. Pinoy na Pinoy.

Eniwey.

Noong 1975, wala pa akong pambili ng plaka. Kahit noong 1976. Sige na nga. Hanggang grumadweyt ng high school, alaws bread para sa plaka. Ang mga plaka namin, mga pinagsawaan ng mga naging employer ni Erpat. O kaya ay hiram sa barkada. O sangla ng kaiskwelang adik na bawa’t buwan ay namamatayan ng lola (“sondo” lang ang sangla. Piso).

Hindi ako nagkaroon ng plaka ng Hotdog. At ng mga banda at singers na nagustuhan ko - Juan de la Cruz, Maria Cafra, Mike Hanopol, Basil, atbp. Sinwerte ako kay Florante - si Kuya Boy. Dahil kapitbahay namin sa Pasig, narinig ko ang album nya - Puso, Diwa’t Daliri - sa test pressing na dinala nya sa bahay para pakinggan. Yung stereo kasi namin yung uso na console, kasing-laki ng kabaong (hehe) pero hindi binili, inassemble ni Erpat.

Sa radyo - or to be precise, transistor - narinig ko ang mga bandang Pinoy noong 70s. Mula Lunes hanggang Byernes ng umaga, si Nanay ang gumagamit. Si Johnny de Leon ang gumigising sa amin (Lundagin mo Baby!). Sa hapon, pagbalik ko mula sa iskwela, ako naman ang may shift sa transistor. At nang magsawa na kaming pareho ni Nanay sa Tita Betty's Children's Show, ipinapaubaya na nya sa akin ang transistor kapag Sabado at Linggo.

Konti lang ang istasyon no'n. Lahat nagsisiksikan sa AM - DZBM, DWBL, DWIZ. Hindi ko pa nadidiskubre and DZRJ noong 1975. Nang sumunod na taon ‘yon. Pero kahit nahilig ako sa Pinoy Rock mula 1976, inaabangan ko lagi ang Hotdog. Unang kagat kasi, mahirap malimutan.

Eduardo De Leon - Pinterest
Eduardo De Leon - Pinterest

May binili ako noong CDs. Kasama rito yung mga tinugtog sa isang reunion concert. Mga kanta ng Boyfriends, VST at ng Charing. Sabi ko nga kay Lito Crisostomo - na kasabay kong kumakanta ng “Haaahhh...awitin moh, at isasayaw koh...” habang naglalakad sa lobby ng Dusit - kapag tumanda ka na, yung mga kantang isinusuka mo dati, nagiging favorite mo na. They bring you back to a time when things were simpler, and you didn’t carry the load of the world on your shoulders. High School yon. Elementary, masyado ka pang musmos. College, may pagka-jaded ka na. Pero High School, ang daming nagyayari sa buhay mo. Everyday was an adventure, and there were more fun times than bad times, and even bad times were really fun.

Dalawa lang ang pangarap ko at this point. Re-issue ng mga album ng Hotdog.

At bigyang parangal ang tatlong bandang malapit sa puso ko - Juan de la Cruz, Asin, at Hotdog-  bilang mga Pambansang Alagad ng Sining sa Musika. Kapag nangyari yon, bongga, di ba?

Update: Mula nang sulatin ko ito noong 2011, unti-unti ko namang nahanap ang mga plaka ng mga idol ko. Huwag na lang tanungin paano at magkano. Yung mga Pinoy rock at OPM classics, na-reissue na ang iba. Hanggang ngayon, wala pa ring nagsusulong na gawing National Artists ang Juan de la Cruz, Asin, at Hotdog. At tinitigyawat pa rin ako paminsan-minsan.

(A slightly edited version of a Facebook post written in 2011)


Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.