Ni Igan Clavio
Sa mga lider ng bansa, pakiusap po, tigil-putakan muna!
Sa gitna ng pandemic, COVID-19 at Delta variant ang tunay na kaaway, hindi tayong mga kapwa Pilipino.
Ang gustong marinig ng sambayanan mula sa gobyerno, batay sa pinakahuling survey, ay trabaho, ayuda, at bakuna.
Hindi pa panahon na magbatuhan ng putik sa gitna ng seryosong banta at panganib sa kalusugan ng marami.
We can heal as one.
Bilang pangulo ng bansa, tungkulin mo na pag-isahin ang mga mamamayang Pilipino, hindi paghiwa-hiwalayin.
Mas makakabuti para sa lahat ang pagpapakita ng pagpapakumbaba at himukin ang lahat na tumulong.
Tanggapin ang mga kritisismo, pagpuna at mga mungkahi na sa tingin mo ay makakabuti sa bansa. Huwag mong iasa sa mga nakapaligid sa iyo kung ano ang nangyayari sa Pilipinas, dahil sariling interes ang kanilang pinoporteksyunan. Ipapamahamak ka lang ng iyong “Bulong Brigade” at pinatunayan na yan ng mga nagdaang pangulo.
Hindi naman masama na mamulitika. Pero panahon nang iangat ang usapan sa mahahalagang isyu. Isantabi na muna ang mga personal attack, name calling, pag-iinsulto o pasaring na lalo lamang nakakadagdag sa depresyon at kalungkutan ng marami na nakakulong sa bahay ngayon.
Puwede naman na tuwing Lunes ay mensahe ng pag-asa at inspirasyon ang marinig ng marami. Lalo na ng mga naulila dahil sa COVID-19.
Huwag mo nang pansinin ang mga kritiko mo. Tao ang huhusga sa mga sinasabi mo at kinikilos. Gawin mo ang tama para sa bansa at magiging mabuti sa iyo ang kasaysayan.
May panahon. Lahat tayo ay binibigyan ng pagkakataon na maituwid ang anumang naging pagkukulang.
Kasama ka sa panalangin ng maraming Pilipino at hangad na maging matagumpay tayo sa huli laban sa COVID-19.
Walang Personalan!
If you liked what you just read and want more of Our Brew, subscribe to get notified. Just enter your email below.
Related Posts
Welcome to the Algorithm Nation
Jun 10, 2024
A Lasting Bond in Fire and Steel
Apr 24, 2024
Art, Music and the Filipino Soul
Mar 01, 2024