, October 07, 2024

0 results found in this keyword

Hoy, Isko!


  •   3 min reads
Hoy, Isko!
Isko Moreno Damagoso Facebook page

Bakit mo minamaliit ang kandidatura ni Bongbong Marcos? Anong away ng mga Marcos at Aquino ang pinagsasasabi mo? Magbasa-basa ka nga ng libro. Baka panay baraha na lang ang binabasa mo.

Mula’t simula, ang kaaway ng mga Marcos ay ang sambayanang Pilipino. Marami kaming lumaban sa kanila. Si Ninoy Aquino sa kanan. Si Joma Sison sa kaliwa. Karamihan sa amin, nasa gitna.

Ang away ay nagsimula sa tatay ni Bongbong na si Ferdinand. Makoy ang tawag namin sa kanya noon, as in Lutong Makoy. Nag-Martial Law siya. Isinara niya ang Kongreso. Isinara niya ang mga dyaryo. Ang mga istasyon ng telebisyon at radyo. Daan-daang libo kaming kanyang ikinulong. Hindi kinasuhan. Basta lang ikinulong. Hindi mabilang ang tinorture. Hindi mabilang ang sinalvage.

Hangga’t wala nang pumupuna sa mga katiwalian niya. Heto na!

Kinurakot niya ang kaban ng bayan. Madali itong naubos, kaya umutang siya nang umutang sa International Monetary Fund at World Bank. Ang kolateral? Tayo mismong mga Pilipino. Di nga ba’t hanggang ngayon ay binabayaran pa natin ang pagkakautang na ‘yan?

Kaliwa’t kanang palpak na proyekto ang ginawa. Kaliwa’t kanang bulsa ang pinuno. Kaliwa’t kanang tenga ng asawa niyang si Imelda ang sinabitan ng naglalakihang diyamante’t ginto.

Noong 1981, hindi na siya pinautang ng IMF at World Bank. Talamak na korupsiyon ang kanilang dahilan. Sinilip ang gold reserve ng ating Central Bank. Bokya! Nasaid na ang bulsa ng bayan. Nasaid na pati ang kanyang inutang. Hindi lang mga proyekto ang nawalan ng pondo, pati na mismo ang pangtustos ng gobyerno. Naghingalo ang ating ekonomiya. Naghingalo ang kanyang diktadura. Iniwanan siya ng militar at kapulisan.

Iniwan niya tayong baon sa utang na hanggang ngayon ay hindi pa natin na-iimpasan.

Noong 1965, kulang-kulang $500 Milyun ang minana niyang utang. Noong 1986, $28.3 Bilyung utang ang kanyang iniwan. Dolyar, Isko, hindi piso! Fifty-six times ang laki! Hindi 56%, kundi 56x! Sa loob lamang ng labing-isang taon.

Kaya ikaw, Isko, magsumikap kang aralin ang ating kasaysayan. Maraming libro tungkol diyan. Kung wala kang tiyagang magbasa, mag-Google ka. Huwag sa YouTube. Huwag sa Facebook. Hindi nasasala ang kasinungalinan diyan. Mag-Wikipedia ka. Non-profit iyan at open-source. Pag may mali o kasinungalinan, mayroon agad pumupuna. Pag may kaduda-duda, sinasabi nila.

Uulitin ko, Isko. Ang halalang ito ay hindi away ng mga Marcos at Aquino. Wala na sa eksena ang mga Aquino. Ikaw na ang kalaban ni Bongbong. At si Pacquiao, si Lacson, si Leni. Bakit hindi ka niya binibira? Kasi sikat ka. Mabango ka. Kumakasa ka.

Ang gusto niyang kalaban, si Leni. At pilit niyang ikakabit si Leni sa mga Aquino. Magandang diskarte iyan. Hindi na naaamoy ang baho ni Makoy; sariwa pa sa isip ang kapalpakan ni Noynoy.

Ikaw naman, sumakay! Bakeeet? Hindi ka naman siguro bayaran. Hindi ka naman tanga. Kapag naging Marcos v Leni ang halalang ito, paano na ang kandidatura mo?

Huwag kang hirit nang hirit at baka mabokya! — Romeo D. Bohol

Reference:

Mayor Isko raps VP Leni’s reason for running as president: ‘Marcos na naman?’
The Nation’s Leading Newspaper

Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.