, October 22, 2021

0 results found in this keyword

Pag-asa o Paasa?


  •   2 min reads
Pag-asa o Paasa?
CIDRAP / University of Minnesota

Tila tinatakam-takam ang mamamayan kapag ang nauna ang pag-announce ng magandang balita tapos ito ay susundan ng paglilinaw na malayo pala sa katotohanan

Ni Igan Clavio

Aprobado na ni Pangulong Duterte ang pagpapalawak pa ng COVID-19 vaccination sa A4 at A5 o essential worker at mahihirap.

Ayon kay Vince Dizon, deputy chief implementer of the National Task Force against COVID-19, “Unang-una po, inanunsiyo na po ng ating vaccine czar at inaprubahan na ng ating Pangulo ang expansion natin sa economic frontliners at national government frontliners.”

Sinabi naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., “ang ating Gabinete, inaprubahan ang ating rekomendasyon na simulan na ang pagbabakuna ng ating mga kababayan na nasa A4 at A5 na kategorya pagkatapos ng buwan ng Mayo o kapag nagkaroon na tayo ng steady na supply.”

“Ang recommendation ng business sector at karamihan ng Gabinete at saka sa Senate ay ibukas na as soon as possible time na pwede mag-start para sa mahihirap para ‘yung mga ibang mga bakuna na galing sa COVAX ay mabigyan din ang mahihirap,” dagdag pa ni Galvez .

Ang target population ng essential workers ay nasa 12.8 na milyon, habang nasa 16 na milyon naman ang para sa mga mahihirap.

Kay gandang malaman at mapakinggan para sa mga matagal nang naghihintay na sila ay mabakunahan at mabigyan ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.

Pero mga ‘iGan kong essential worker at mga nasa sektor ng poorest of the poor, huwag po muna tayong umasa ng todo-todo. Mismong si Health Sec. Francisco Duque ang nagwasak sa magandang balitang ito na tama lang naman na ipabatid sa publiko ano tunay ma sitwasyon.

"Hindi pa rin sapat dahil tatapusin pa natin yung mga A2 group or seniors so mga 18 million doses sa mga 9 million na katao kasi siyempre 2 doses per person.” paliwanag ni Duque.

“We still need 10 million doses for people with comorbidities," aniya sa panayam ng Balitanghali.

Pag-amin pa ni Duque kailangan ng 24 na milyon na doses para mabakunahan ang mga essential worker.

Sa ngayon, di pa tapos bakunahan ang mga nasa A2 category o senior citizen na kailangan pa ng 18 na milyong doses.

Ang A3 category naman o yung may comorbidities ay kulang ng 10 na milyong doses.

Ayon kay Duque, ang mga parating na bakuna:

  • 500,000 doses ng Sinovac
  • 160,000 doses ng Moderna
  • 300,000 doses ng Sputnik V
  • 2.2 milyong doses ng Pfizer

Tulad ng isyu ng West Philippine Sea, iisa na lamang na opisyal ng gobyerno ang itinalaga ni Pangulong Duterte na magsalita para di magdulot ng kalituhan o maling impresyon.

Kaya marapat lang na mag-usap-usap ang tatlong opisyales para sa iisang posisyon sa isyu ng bakuna bago magkanya-kanya ng pahayag. Posible kasing magresulta ng ‘false hope’ ito para sa publiko lalo na’t naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil sa COVID-19.

Tila tinatakam-takam ang mamamayan kapag ang nauna ang pag-announce ng magandang balita tapos ito ay susundan ng paglilinaw na malayo pala sa katotohanan.

Tayong lahat ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan at pagharap sa hamon ng COVID-19. Kaya mahirap na binibitin-bitin ang publiko at di makapag-plano ng maayos.

Walang personalan.


Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.