
Joey Salgado
Matapos sabihin na haharap sya ng mga hearing ng Quadcomm, ang apat na committee ng House of Representatives na nag-iimbestiga sa madugong drug war, nagpasabi si dating pangulong Rodrigo Duterte na hindi sya makakadalo kasi masama raw ang kanyang pakiramdam. Pero go daw sya pagkatapos ng November 1.
Sayang. Kung nakadalo sana sya, first time nyang makakaharap si dating senador Leila de Lima. Ipinakulong ng administrayon ni Duterte si De Lima dahil sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na drugs. Pinawalang-sala sya ng korte kamakailan.
Marami pa naman ang nakatutok sa hearing na yon. Isa na rito ang dating classmate ko sa high school. Masiyahin ang classmate kong ito. Isa sya sa unang bumabati ng “Good Morning!” sa aming classmates chat group. Kasunod ng pagbati ang isang GIF, kadalasan kapeng umuusok, o sticker na may inspirational message. Buong araw, aktibo sa convo, pumapatol sa corny jokes at memes (madalas galing sa akin), at sa gabi naman lagi syang may pabaon ng “Good Night” sa aming lahat. With heart emoji pa.
Ngunit napansin ko (malamang napansin din ng iba) na biglang dumalang ang kanyang pagbati ng good morning. Tanghali na kapag mangamusta. Akala ko kung ano ang na nangyari. Baka may pinagdadaanan lang. Hanggang isang hapon ay dumating ang kanyang nakakagulat na pag-amin. “Ang sisipag ng mga congressman natin! Napuyat na naman ako sa quadcomm!”
Politiserye Season
Welcome sa bagong pambansang libangan. Kung may kategoryang children’s entertainment at adult entertainment, meron na ring political entertainment. Politiserye. At lumalabas na hindi nag-iisa ang classmate ko.
Pambansang teleserye na nga ang tawag sa mga hearing ng Quadcomm. Sa ratings, hindi pa naman nito naitataob ang Batang Quiapo, pero duda ko medyo malapit-lapit sila sa second place.
Unang-una, convenient manood ng Quadcomm hearings. Hindi mo kailangang tumanghod sa harap ng telebisyon o maupo sa harap ng radyo para masubaybayan. Dahil live streaming, basta maayos lang ang wi-fi connection mo o ng kapitbahay mo, solb ka na. Smartphone lang pwede na. Kahit nakahilata sa kama, nakasakay sa dyip, o habang nagluluto ng baon ng kids ay may front row seat ka sa mga hearing.
Rebelasyon din para sa marami ang ilang kongresista na matalas ang utak at mahusay magtanong. Magaling ang pagkakalatag. Syempre, meron din namang mga maligoy at magulong magtanong, pero keri na yon dahil amimin natin, mas malaking disappointment ang kalidad ng ilang myembro ng Senado, na dati’y tahanan ng mga paham at iginagalang na legal minds ng bansa.
Sayang nga lang at kulang ng dramatic effects ang hearing. Kapag napapaamin ang matitigas na witness gaya ni dating PCSO chair Royina Garma, dapat merong stinger at cutaway shots para madagdagan ang drama. Siguro dapat kumuha na sila ng direktor ng teleserye bilang consultant. Kailangan din siguro ng matinding pamagat. Lahat ng matinding teleserye, may patok na pamagat. May nag-suggest ng “Patayin Nyo, Babayaran Go!” pero baka may magreklamo.
Adik ang mga Pinoy sa teleserye. Ito ang nagpayaman sa TV networks at nagpasikat sa maraming artista. Kaya marami ang na-adik sa Quadcomm. May iyakan at sigawan. May action, o madamdaming kwento ng action scenes gaya ng pagpatay sa mga nakakulong na drug lord. May bida (ehem) at kontrabida (hulaan nyo). At yung kontrabida, may sidekick na taga-abot ng pera.
Nang magbukas ang Season 2 ng Quadcomm, idiniin ni Kerwin Espinosa si Senador Ronald “Bato” de la Rosa sa panggigipit kay dating senador De Lima. Si Garma, sinabing si dating pangulong Duterte ay tumawag sa kanya para pumili ng mga tao na magpapatupad ng “Davao style” drug war sa buong bansa. Si Senador Bong Go umano ang kontak at taga-fix. Pero sabi ng mga kongresista, papunta pa lang sila sa exciting part.
Naku, puyat na naman sigurado ang classmate ko.
If you liked what you just read and want more of Our Brew, subscribe to get notified. Just enter your email below.
Related Posts
The DDS Gambit: Invoking Human Rights for One Man
Mar 22, 2025
Bong Go for President in 2028?
Mar 16, 2025
Can a Supreme Court Dominated by Duterte Appointees Render an Impartial Ruling on Sara’s Impeachment?
Mar 04, 2025