, October 07, 2024

0 results found in this keyword

Rakenrol sa Holy Week


  •   5 min reads
Rakenrol sa Holy Week
GMA News Online / AFP/Ted Aljibe
Ni Joey Salgado

Noong bata pa ako, bawal mag-ingay kapag Mahal na Araw (hindi pa Holy Week ang tawag noon). Minsan akong napagalitan ni nanay nang magpatugtog ako ng plaka ng Jesus Christ Superstar isang Sabado de Gloria. Siguro 1976 o 1977 yon. Unang salang pa lang ng Overture, heto at humahangos sya mula kusina, nanlilisik ang mga mata. “Bawal magpatugtog! Patay pa ang Dyos!” Akala ko hahampasin ako ng hawak na sandok. Nangatwiran ako. Jesus Christ Superstar naman itong plaka, sabi ko. “Kahit na!,” sagot ni nanay, sabay talikod. Tapos ang sound trip.

Ang pumapatid ng pagkabagot naming mga kabataan noon ay ang senakulo. Si Naty Crame- Rogers daw ang naghikayat at nagturo sa mga kabataan mula sa amin na maging senakulista. Sa Kapitolyo nakatira si Mrs. Rogers, katabi ng aming baryo na ang tawag ay Pineda (hindi pa ginagamit noon ang “barangay”). Mabait daw sya, sabi ng aking tatay. Karpintero si tatay at minsan ay nag-trabaho na sya sa bahay ni Mrs. Rogers.

Parang pyesta kapag may senakulo. Nagkikita-kita ang magba-barkada. Kanya-kanyang dala ng silya o kaya ay palipat-lipat ng pwesto na tatayuan. May nagtitinda ng pop corn, mani, balut, at cotton candy. Yung mga bahay na nasa paligid ng entablado, kinakarir ang pagbebenta ng halo-halo. Malakas ang benta ng pansit luglog at pansit langlang sa tindahan ni aling Petra. Luglog ang tawag namin sa palabok, langlang naman sa mami. Hindi ko alam kung bakit.

Dahil bata pa lang ay nanonood na kami ng senakulo, highlights na lang ang hinihintay namin. Ang paglabas sa entablado ng mga roman centurion (ewan ko kung bakit “hudyo” ang tawag) na may trademark intro music. Ang pagpako kay Kristo at ang kanyang pagkabuhay. Inaabangan din ang pagbibigti ni Hudas. Ang gumaganap na Hudas ay si Pandik. Notoryus na siga yan sa Pineda. Bagay sa kanya ang maging Hudas. Balbas sarado sa totoong buhay. Medyo maitim ang balat. Matapang ang hilatsa ng mukha. Kapag hinubad ang costume ay tatambad sa madla ang kanyang mga tattoo. Nabalitaan ko na lang noong nagta-trabaho na ako na binaril sya sa harap ng bahay nya isang umaga habang nilalaro ang kanyang anak.

Ryan Villanueva via Flickr

Ang gumaganap na Kristo, si Eddie. Eddie Kristo ang tawag namin. Superstar. Payat. Hanggang balikat ang buhok. Mukhang banal. JC na JC. Nasira lang ang imahe ng kabanalan nang minsang makita ko sya na umiinom ng beer, kasama ang mga barkada. Pulang-pula ang mukha, tawa ng tawa. Nakabukas ang butones ng polo hanggang pusod. Solb na solb si JC.

Kapag Byernes Santo naman, dumarayo sa amin ang mga classmate ko sa high school. Gustong-gusto nila ang specialty ni nanay, ang kanyang lumpiang sariwa. Pero ang main attraction ay ang mga penitensya.

Walang suot ng pang-taas at nakatapak ang mga penitensya. Nababalutan ang mga mukha nila ng puting t-shirt. Nakaputong sa mga ulo nila ang tuyong baging o halaman na hinulma para gayahin ang koronang tinik na ipinutong sa ulo ng Panginoon. Hawak nila sa isang kamay ang mahabang lubid na ang dulo ay pumpon ng parihabang mga piraso ng kahoy, mga anim na pulgada siguro ang haba ng bawat isa. Gawa daw yon sa kawayan. Ito ang paulit-ulit nilang inihahampas sa kanilang mga duguang likod.

Bago kasi sila lumakad ay hinihiwaan ang likod nila. Maliliit lang. Blade na pang-ahit ang gamit. Ang dami ng hiwa ay sinusukat sa “kaban.” Minimum ang isang kaban o 25 hiwa. Mas maraming kaban, mas malaki raw ang kasalanan o mas malaki ang hiling na milagro. Sa isang staging area - na tinatawag na “kalbaryo” tuwing Byernes Santo - ginagawa ang paghiwa. Dito rin sila unang nakakatikim na palo ng sinturon sa kanilang mga puwit. Ang huling ratsada ng palo - 39 lahat - ay sa entrada na ng kapilya kung saan nagtatapos ang ritwal.

May teknik sa paglalakad ang mga penitensya. Ang isang kamay ay nakaipit sa kili-kili, at ang isa naman ay tangan ang panghampas. May choreography at ritmo. Pahinto-hinto ang hakbang, halinhinan na ine-ekis ang mga paa. Sunod sa ritmo na likha ng “tsk tsk tsk” na tunog na gawa ng panghampas. May kahabaan din ang nilalakad nila. Mula sa “kalbaryo” hanggang sa kapilya, siguro halos dalawang oras din ang paglalakad sa ilalim ng araw.

Madaling malaman ang mga baguhang penitensya. Sila yung unang grupo na lumalakad, bandang alas-siyete o alas-otso ng umaga. Hindi pa nakakapaso ng talampakan ang init ng kalsada. Ang mga beterano, ang mga hardcore, tanghaling tapat ang lakad. Sila yung taun-taon ay nagpepenitensya. Batak ang mga katawan, karamihan ay may mga tattoo. Kabisado na ang ritmo at galaw. May mga naglalakad ng paluhod. May mga hihinto kada ilang metro para dumapa sa umaasong kalsada at gagayahin ang asta ng isang ipapako sa krus. Habang nakadapa ay hahagupitin sila ng sinturon sa puwit. Pagkatapos hagupitin, tatayo sila at muling itutuloy ang paghampas sa sarili.

istolethetv, CC BY 2.0, via Wikimedia Commons

Kaming mga bata, gawi na naming hulaan kung sino ang mga penitensyang dumaraan sa harap amin. Madaling makilala ang mga sanggano at ang mga tambay dahil sa kanilang mga tattoo. Sila yung buong taon ay laging lasing at magulo. Nangingikil, nangungursunada, nambabastos. Nananaksak kasi trip lang. Pero tuwing Byernes Santo ay todo hampas sa sarili at sumasamo na sila ay patawarin (kasama si Pandik na Hudas dyan). Sila rin yung pagkatapos maligo sa Ilog Pasig - kung saan naliligo ang lahat ng penistensya - ay mag-uumpukan, iinom ng gin, malalasing, at maghahabulan ng saksak. Halos walang palya yan. Palibhasa, bagong ligo na at malinis. Abswelto na sila.

Hindi ko alam kung meron pang penitensya sa Pineda. Matagal na akong hindi nagagawi doon. Sa paglipas ng panahon, maraming bawal noon na pwede na ngayon. Dati, bawal mag-ingay. Bawal kumain ng karne o uminom ng alak. Pero ngayon may mga sayawan, videoke, at tomaan, lalo na sa mga tourist spot. Walang ibang palabas sa TV noon kundi The Robe at iba pang religious movies. Paulit-ulit din yung dramatization ng mga huling araw ni Kristo na nandon si Fr. Peyton bilang annotator. Ngayon, bukod sa cable at streaming, may film festival pa sa kasagsagan ng Holy Week.

Minsan ay nag-Holy Week kami sa Baguio. Hindi pa gawa noon ang SCTEX na yan kaya inabot kami ng higit 10 oras sa byahe. Pagdating sa Baguio ay pagod at gutom ang lahat, lalo na ang mga bata. Dahil masikip sa Session Road, pumunta kami sa noon ay bagong bukas na Camp John Hay. Meron silang Holy Week special. May mga nagtitinda ng pagkain, kasama ang mga putaheng may karne. May beer sa mga gustong uminom. Sa gitna ng picnic area, may open air cinema. Tanda ko na umorder ako ng beer at barbecue. Nakiumpok ako sa mga nanonood ng palabas. Jesus Christ Superstar starring Ted Neeley. Rakenrol.


Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.