Hindi na bago ang nangyayari sa loob ng PDP-Laban. Tila nabuksan na naman ang garapon ng mga alakdan at kanya-kanya na namang saksakan sa likod ang mga politiko
Ni Igan Clavio
Kailan kaya na ang mga politiko sa Pilipinas ay mas uunahin ang bayan bago ang sarili?
Sa gitna ng pandemic dulot ng COVID-19, ngayon na dapat!
Pero tayo ang pipili bilang mamamayan kung sino ang mas makataong lider na dapat maluklok sa puwesto.
Ngayong nalalapit na ang susunod na Eleksyon 2022, nasasaksihan na naman natin ang pagiging makasarili ng mga nais maglingkod daw sa bayan.
Hindi na bago ang nangyayari sa loob ng Partido ng Demokratikong Pilipino - Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Tila nabuksan na naman ang garapon ng mga alakdan at kanya-kanya na namang saksakan sa likod ang mga politiko.
Malimit na kung sino ang namumuno ng isang partido politikal ay siya rin ang nagiging standard bearer sa isang national election. At kadalasan din, nakikipag-alyansa ito sa iba pang partido politikal para mas lalong palakasin ang tsansa na magwagi sa eleksyon.
Sa kaso ng PDP-Laban, si Sen. Manny Pacquiao, bilang presidente ng partido ay siya nang inaasahan na maging standard bearer nila.
Ngunit may malaking hadlang at dito na pumapasok ang problema.
Matapos ang eleksyon noong 2016, kung saan nanalo si Duterte, pumirma ang PDP–Laban ng isang kasunduan ng koalisyon kasama ang Nacionalista Party, Lakas–CMD, National Unity Party at Nationalist People's Coalition.
Agad lumago ang miyembro ng PDP-Laban sa Kongreso. Mula sa tatlong miyembro sa ika-16 na Kongreso, naging 123 ang miyembro sa kasalukuyang ika-17 Kongreso. Pagsapit ng Abril 2018, 300,000 mga pulitiko ang sumali sa partido.
At yan ang masamang kultura ng politika sa Pilipinas, matapos ang isang eleksyon dumadami ang balimbing at paru-paro. Kung sino ang nagwaging Pangulo, 99 na porsyento ng politiko ang lilipat sa kanyang partido bilang party in power.
Ang desisyong ito ay pagpapakita ng kawalan ng paninindigan, katapatan, maturity at pagmamahal sa bayan ng karamihan sa ating mga politiko sa ngayon.
Ang panukalang batas na nagbibigay sana ng parusa sa mga ‘political butterflies’ ay hindi maisulong-sulong sa Kongreso. Alam ninyo na kung bakit. Kakambal yan ng panukalang batas kontra ‘political dynasties’.
Bago pumanaw ang isa sa founder ng PDP-Laban na si dating Senador Aquilino ‘Nene’ Pimentel, Jr., nabahala siya sa pagdagsa ng mga bagong miyembro. Kinuwestyon niya agad ang intensyon ng mga bagong papasok na pulitiko. Dapat matiyak na interesado sila sa mga ipinaglalaban ng partido.
Sinabi pa ng matandang Pimentel na ang mga bagong kasapi ay maaaring interesado lamang na makilala sa kasalukuyang administrasyon, upang mapalakas ang kanilang tsansa na manalo sa darating na 2019 na eleksyon.
Napakasimple lang naman ng solusyon sa gusot ng PDP-Laban. Kung sinusuway na nila ang pangulo ng partido at hindi si Pacquiao ang napipisil nilang magiging susunod na kandidato sa pagka-pangulo, magsipagbitiw sila bilang miyembro at umanib sa partido ng napupusuan nilang kandidato.
Tutal ay sanay naman silang magpalipat-lipat ng partido na naaayon sa kanilang pansariling interes, napakadali namang gawin iyon.
Si Mayor Sara Duterte, anak ng Pangulo, ang nais ng paksyon nina Energy Sec. Alfonso Cusi, Vice Chairman ng PDP-Laban, na tumakbo ng Pangulo at ang chairman ng partido na si Duterte ang nais nilang maging Vice Presidential candidate.
Duterte-Duterte ang isusulong nilang kandidato sa 2022 national eleksyon.
Bakit sila nahihirapan na umalis sa PDP-Laban at lumipat sa Hugpong ng Pagbabago Party ni Sara? Kasi hindi pa nagbibitiw si Pangulong Duterte sa PDP-Laban. Sunud-sunuran lang naman sila sa pangulo.
Pustahan oras na lumipat si Duterte sa Hugpong, lahat yan ay maglilipatan din at iiwan ang PDP-Laban.
Kung mayroon pa na natitirang dangal sa inyong mga sarili, mas makakabuti na ngayon na kayo lumipat sa partido ni Inday Sara. Yan ay kung may natitira pa!
Huwag naman ninyong salaulain ang naging sakripisyo sa bayan ng mga politikong nagtatag ng PDP-Laban - Nene Pimentel, Lorenzo Tanada at Noynoy Aquino.
Huwag din natin na kalimutan na kaya naitatag ang PDP-Laban ay para labanan at tapusin na ang diktaturya at abuso ng isang gobyerno.
No to political butterflies!!!
No to politikong balimbing!!!
Walang Personalan.
If you liked what you just read and want more of Our Brew, subscribe to get notified. Just enter your email below.
Related Posts
Welcome to the Algorithm Nation
Jun 10, 2024
A Lasting Bond in Fire and Steel
Apr 24, 2024
Art, Music and the Filipino Soul
Mar 01, 2024