Ni Igan Clavio
Tilamsik ni iGan
“Desperate times breed desperate measures.”
~ William Shakespeare
Noong nakaraang Biyernes, huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (coc), maraming ang nag-abang kay Davao City Mayor Sara Duterte, ang agila.
Huwebes ng gabi, punung-puno ng nakatikom na kamao at kulay na green ang halos lahat ng social media forum.
Ang sisipag ng troll farm at paid vlogger ng Duterte Administration, pati galamay ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na i-post ito na tila pangiliti sa paglahok na ni Inday sa Presidential race sa Eleksyon 2022.
Pangontra rin nila ito sa paglipana ng kulay Pink (Kalumbahin) matapos na magdeklara at maghain ng COC si Vice President Leni Robredo.
Pero ayon sa aking impormante tila sinarhan na ni Mayor Inday lahat ng komunikasyon ng gabing iyon. Kahit ano’ng gapang ng mga kaalyado ng kanyang ama, buo na ang kanyang naunang pasya na ipagpatuloy ang pagiging alkalde ng Davao City.
Hanggang kinabukasan, umaasa pa rin ang marami sa kanyang taga-suporta na magbabago ang kanyang desisyon.
Nagpakalat na naman sila ng ‘fake news’ na nasa Manila Hotel na si Mayor Inday at handa nang pumunta sa Hotel Sofitel. Ang pinost na photo ay agad pinabulaanan ng kampo ng alkalde.
This time, nabigo ang troll farm na ikondisyon ang isip ng mga pilipino. Hindi na sila mabubudol!
Pero di pa rin sila susuko. Kailangang magpatuloy ang kanilang nakukuhang pakinabang sa ilalim ng Duterte Administration.
Kaya ang inaabangang agila na lilipad ng hapong iyon ay naging ibong bato bato.
Ang paghain ng COC ni Sen. Bato Dela Rosa sa pagka-presidente ay huling baraha ng PDP-Laban (Cusi faction) para buhayin pa ang kanilang pag-asa.
Malinaw na ito ay desperadong aksyon sa mga kaalyado ng administrasyon - bigyan pa si Mayor Inday ng sapat na panahon para magbago ng isip.
Ang nakakatawa rito, sa pag-file niya ng COC ang suot niya ay kulay green t-shirt ay may logo ng Hugpong ng Pagbabago, partido ni Mayor Inday.
Nang lumabas na siya para sa photo opp, pinatungan na ito ng pulang jacket na may logo na ng PDP-Laban.
Ang tanong kay Bato - HNP ka ba o PDP-Laban? Pinapayagan kasi ang ‘substitution’ o pagpalit ng kandidato hanggang November 15 kung ito ka-partido niya.
Sa pagpilit kay Bato na sumama sa sarzuela ay bad script. Hindi siya kinokonsidera kasi bilang seryosong kandidato. Nuisance? Hindi naman dahil siya ay elected Senator.
At ang aksyon na ito ay tila pagsuko na o pag-angat ng ‘white flag’ para sa Cusi faction o ni PRRD. Mismong si Mayor Duterte na ang nagsabi, “hindi na tatakbo si Inday.”
Bagama’t may panahon pa, ang pag-urong ni Sen. Bong Go sa VP race ang isa sa magpapagaan sa desisyon ni Mayor Inday. Pero bibitawan ba ni Go ang pagkakataong ito?
Muli, huwag kayong magpalinlang sa political entertainment nila. Suriin ang mga nauna ng pangako ng kanilang kampo noong 2016, na kundi pumalpak at inaming nagbibiro lang pala.
Sa lahat ng kandidato, pakiusap “huwag ninyo namang paglaruan o babuyin pa ang buhay ng mamamayang pilipino.”
Walang Personalan.
If you liked what you just read and want more of Our Brew, subscribe to get notified. Just enter your email below.
Related Posts
Welcome to the Algorithm Nation
Jun 10, 2024
A Lasting Bond in Fire and Steel
Apr 24, 2024
Art, Music and the Filipino Soul
Mar 01, 2024