, October 18, 2021

0 results found in this keyword

Marami ang Gustong Magpabakuna, Pero Nasaan ang Bakuna?


  •   2 min reads
Marami ang Gustong Magpabakuna, 
Pero Nasaan ang Bakuna?
John Hopkins School of Public Health

Hindi ko na maintindihan saan ang hugot ng Pangulong Duterte at laging nagpapagbuntunan ng kanyang galit at pansin ang mga umano’y “ayaw magpabakuna”

Ni Igan Clavio

Linggo-linggo na lang, sa kanyang programang Talk to the People, laging nagpapalabas ng banta o babala si Pangulong Duterte sa mga Pilipino na ayaw umanong ‘magpabakuna.’

May 18,2021 - “Wag maging choosy sa bakuna; kung ayaw magpabakuna, 'wag munang gumala.”

June 21, 2021  - "Kung ayaw mo magpabakuna, ipaaresto kita at ang bakuna, itusok ko sa puwet mo. Putang ina, bwisit kayo.”

July 20, 2021 - “Huwag na lang lumabas ng bahay para hindi nila mahawaan ang iba.”

July 28,2021 - “Yung mga ayaw magpabakuna, sinasabi ko sa inyo na huwag kayong lumabas ng bahay. Kasi pag lumabas kayo ng bahay, sabihin ko sa mga pulis ibalik ka sa bahay mo. You’ll be escorted back to your house.”

Mali man ang dating ng babala ni Duterte sa iba, mabilis naman na pagtatanggol si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na ito ay “out of his desperation.”

Pero sa mismong programa rin, iniuulat naman ni DOH Sec. Francisco Duque at Vaccine Czar Gen. Carlito Galvez na “kulang na kulang” ang suplay ng bakuna.

“Humihingi ho kami ng patience sa ating mga LGUs, na kulang na kulang pa ang ating vaccines,” sabi ni Galvez.

Ayon kay Galvez, sa buwan pa ng Oktubre inaasahan na magiging stable ang suplay ng bakuna.

Sa vaccination sites sa iba’t-ibang LGU sa Metro Manila, madaling araw pa lang ay nakapila na ang ating mga kababayan sa pagnanais na libreng makapagbakuna.

Umulan man o bumaha, di nila alintana ang pagtungo sa vaccination sites para magpabakuna, walk-in man o naka-schedule.

Maging ang mga alkalde na nakakausap namin ay masaya sa pagtaas ng interes ng kanilang mga nasasakupan para mabakunahan.

Araw-araw din ako nakakatanggap ng reklamo o hinaing mula sa ating mga kababayan at ang malimit na tanong, “nasaan na ang bakuna?”

Maliwanag na suplay ang problema at hindi ang mga ayaw magbakuna. Gustuhin man nila eh kung wala naman na maituturok sa kanila, saan sila pupunta?

Nagsimula ang pagdagsa ng tao sa vaccination sites dahil sa availability ng iba’t-ibang brand ng bakuna at ang tumataas na banta ng Delta variant, ayon sa mga regional head ng DOH.

Kaya hindi ko na maintindihan saan ang hugot ng Pangulong Duterte at laging nagpapagbuntunan ng kanyang galit at pansin ang mga umano’y “ayaw magpabakuna.”

Hindi ba siya nabibigyan ng update sa vaccination rollout o hindi ba niya naririnig ang mga ulat nina Duque at Galvez? Ilang porsyento ba ang ayaw magpabakuna kumpara sa mga dumadagsa sa vaccination sites?

Dapat ang sisihin ni Duterte, hindi ang mamamayan kundi ang kabagalan ng sistema sa pagkuha ng bakuna. Hindi rin ang kanyang gobyerno, kundi ang mga malalaking pharma kung saan tayo bumibili ng bakuna?

Sa halip na kondenahin, marapat na pasalamatan pa nga ang ating mga kababayan na sumusunod naman sa nais ng pamahalaan.

Gusto po nilang magpabakuna Mr. President, pera walang bakuna!

Walang Personalan.


Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.