, February 27, 2024

0 results found in this keyword

‘May Plaka Ako Nyan’


  •   4 min reads
‘May Plaka Ako Nyan’

Time travel. Nostalgia. Senti lang. Yan daw ang kadalasang excuse ng mga record collector na ka-edad ko. Medyo totoo naman. Pero corny kung yan lang ang dahilan para masimot ang GCash o credit card

Ni Joey Salgado

Oo, aaminin ko. Sugapa ako sa plaka. Adik. Pero masakit pakinggan ang mga salitang yan kaya record or vinyl enthusiast, lover, or collector na lang ang itawag nyo sa akin at sa daan-daang katulad kong lulong sa plaka.

Kasalanan ito ni tatay.

Parehong mahilig sa musika si nanay at tatay. Si nanay laging nakababad noon sa transistor habang gumagawa ng gawaing bahay o kaya ay nananahi. Nitong huli, bago sya namatay, naka-Spotify sya lagi (May pagka-techie si nanay). Sa transistor ni nanay una kong narinig ang mga usong kanta noong 60s at 70s. Doon ko rin narinig ang  kantang oldies kung tawagin. Mula ito ng sinaunang panahon ng 40s at 50s (kapag sinabing oldies ngayon, ang ibig sabihin mga kanta ng 70s, ang henerasyon ko. Ganon talaga).

Si tatay ang mahilig sa plaka. Madalang syang bumili kasi hindi naman kami mayaman (Naranasan kong kumain ng kanin na ang ulam ay saging na isasawsaw sa toyo. Good times).  Karpintero si tatay. Madalas ang trabaho nya ay sa Barrio Kapitolyo na katabi lang ng lugar namin, ang Barrio Pineda. Lugar ito ng mga alta sa Pasig. Laging may ginagawang bahay o kaya ay ipinapaayos kaya laging may trabaho si tatay. Yung mga suki nya ang madalas magbigay sa kanya ng mga plaka. Siguro 95 per cent ng mga plaka nya, bigay lang. Napagsawaan na.

Uso noon ang console, yung stereo na nasa mahabang cabinet na parang ataul. Si tatay, gumawa ng sariling console. Tanda ko ay Garrard ang turntable, at Sansui ang amplifier. Hindi ko alam saan nya nabili pero mahal na ngayon ang mga brand na yan. At panalo ang tunog.

Madalas akong umuupo noon sa gitna ng speakers. Yun pala ang sweet spot na tinatawag. Malinaw ang boom at kalansing ng percussions ni Perez Prado at ang brilyo ng gitara at boses ni Trini Lopez. Ang lambing ng boses ni Harry Belafonte. Umaalog ang buong bahay sa Marching Band ng Philippine Army.

Immersive experience ang plaka. Binabalot ka ng tunog. Hinahaplos, kinikiliti, minsan binabalibag. Kaya rin siguro bata pa lang ay emosyonal na ang response ko sa musika.

Nang una kong marinig ang kantang “Honey” ni Bobby Goldsboro, nalungkot ako. Hindi ko alam kung bakit. Ang saya ko naman sa “Top of the World” ng Carpenters. Hanggang ngayon, tuwing maririnig ko ang kantang yan ng Carpenters, napapangiti ako. Pati amoy ng nilagang baka na niluluto ni nanay kapag bagong sweldo si tatay, naaamoy ko.

Time travel. Nostalgia. Senti lang. Yan daw ang kadalasang dahilan ng mga record collector na ka-edad ko. Medyo totoo naman. Pero corny kung yan lang ang dahilan para masimot ang GCash o credit card.

May discovery aspect din naman ang record collecting. Kapag seryoso ka sa pakikinig, hinahanap mo ang iba pang artist na pareho ang tunog o genre, mga recording ng parehong producer, o mga artist na naging impluwensyal sa musical style ng kung sinong singer o banda na kinahuhumalingan mo. Dito ko nakilala ang ilang blues musicians at jazz icons na sina Miles Davis at John Coltrane. Hindi sila bahagi ng kabataan ko, pero kasama sila sa mga paborito.

Hindi ko na matandaan kung ano ang nangyari sa stereo namin. Basta’t isang araw na lang gumaralgal ang tunog. Hindi na nawala.  May nakilala si tatay na technician daw, kinuha ang turntable at amplifier, at hindi na nagpakita uli. Bumili na lang si tatay ng tape deck bilang kapalit.

Nang malaman ni tatay na may turntable uli ako ay ginawan nya ako ng cabinet. Para may patungan ng turntable at may lalagyan ng mga plaka. Pagkaraan ng ilang buwan, ginawan nya ako ng mas malaking cabinet nang sabihin kong nasa sahig na ang ibang mga plaka. At nadagdagan pa yan ng isa pang record rack.

Natatawa lang si tatay kapag nag-uusap kami tungkol sa plaka. Noon kasi, basta plaka, salang agad. Ngayon, meron na akong binabanggit na grading ng plaka, pressing, SQ, soundstage, imaging, separation. Kay tatay, basta hindi makalansing ang tunog at dinig ng kapitbahay ang sounds, solb na.

Nitong nakaraang Pasko, tulad ng nakagawian ay bumisita kami kay tatay. Dalawang taon na rin mula nang mamatay si nanay. Niregaluhan si tatay ng utol ko ng turntable noong kamamatay lang ni nanay. Ako naman ang naghanap ng mga paborito nyang plaka at yung mga alam kong magugustuhan nya.

Pero noong Paskong yon, napansin ko na may alikabok ang turntable. Yun pala matagal na syang hindi nagpapatugtog. Hirap na syang magsalang, hindi na masipat kung saan ilalapat ang karayom. At mas gusto na nyang manood sa You Tube. Hilig nya ang replay ng boksing at mga video ng home building sa gubat. Nanonood sya habang nakaupo sa kanyang tumba-tumba, kung saan madalas na rin syang maidlip.

Nilinis ko ang turntable at naglabas ng mga plaka. Trini Lopez, Carpenters, Roger Williams, Eric Dimzon, mga kundiman. Si tatay, nasa tumba-tumba lang. Isinalang ko ang mga plaka. Gaya ng ginagawa ko noong bata pa ako, kapag tapos na ay babaligtarin ko ang plaka o magsasalang ng bago.

Masaya syang nakinig. Sumabay pa sa pagkanta at may singit na konting kwento. Isinalang ko yung “My Way” album ni Frank Sinatra. Hindi mahilig si tatay kay Ol Blue Eyes (mas Tony Bennet, Andy Williams, Nat King Cole sya). Pero gusto nya ang “My Way.” Hanggang umabot kami sa kantang “If Ever I Would Leave You.” Sa simula sinabayan namin si Sinatra. Mayamaya, natahimik kami pareho. Naalala ko si nanay. Yun pala sya rin. Nagkatinginan kami. Tumayo sya sa kanyang tumba-tumba. Sinalubong ko sya. Nagyakapan kami sa harap ng stereo. Nakakapuwing din ang plaka.


Related Posts

You've successfully subscribed to Our Brew
Great! Next, complete checkout for full access to Our Brew
Welcome back! You've successfully signed in
Success! Your account is fully activated, you now have access to all content.
Success! Your billing info is updated.
Billing info update failed.
Your link has expired.